Untitled (Reaction to Philippine Folklore Classified)
June 22, 2009
I always write in english. If I could have things my way, I would’ve chosen English, but I had no choice! talk about democracy. But then again, it was a Filipino subject anyway which made more sense for me to write in my own language. While writing this, I felt I was learning the language again because the last time I really wrote in Filipino was in my sophomore year in high school. Anyway, here it goes. My 3- PAGE REACTION PAPER IN FILIPINO!
Ayon sa Philippine Folklore Classified, mayroong tatlong bahagi ang pang-agham na pananaliksik: pagtitipon (collection), pag-uuri (classification), at pagsusuri (analysis), ngunit ang pag-aaral ng Poklorikong Pilipino ay nasa bahaging pagtitipon pa lamang. Dahil dito, ang huling dalawang bahagi ay hindi pa lubos na nagawa. Bagamat nasa unang bahagi na ang naturang pag-aaral, nahaharap pa rin ito sa suliraning pagkakaroon ng tiyak na sistema ng pag-uuri. Paano nga ba natin maaabot ang huling bahagi ng siyentipikong pananaliksik sa konteksto ng Poklorikong Pilipino?
Ang pagkakaroon ng tiyak na sistema ng pag-uuri ay makatutulong upang mahiwalay at malinaw na makita ang pagkakaiba ng iba’t ibang pokloriko sa bansa. Idagdag pa natin dito ang mga maaari nating matuklasan tungkol sa kulturang Pilipino dahil ibinabahagi din ang pokloriko sa bawat salin-lahi. Madali mang tukuyin ang mga magagandang bagay na maidudulot nito, ngunit napakahirap naman nitong gawin dahil sa heograpiya, mga wika, at maging sa kasaysayan ng bansa.
Paano tayo magkakaroon ng tiyak na sistema ng pag-uuri? Mahirap ngang pag-uri-uriin ang pokloriko sa Pilipinas dahil sa pagkakaiba nito sa maraming bagay kaya naman magiging mas mainam ang ating pananaliksik kung sanguniin natin ang mga taong pinag-aaralan ang mga ito. Hindi naman makasasama kung tatanggap tayo ng tulong mula sa mga banyaga sapagkat hindi ito maituturing pananakop. Sa katanuyan, pinag-aaralan na sa ilang pamantasan sa labas ng bansa ang Poklorikong Pilipino, at may ilan na nais ayusin ang pag-uuri nito. Tulad ng mga pag-aaral sa agham, magiging mas mainam ang kinalabasan kung isasangguni natin ang mga ito sa isang komonidad kung saan ang pinag-aaralan ay ang iba’t ibang klase ng pokloriko. Sa paraang ito, unti-unti nating maaabot ang huling bahagi ng siyentipikong pananaliksik.
Sina Damiana Eugenio, Juan Francisco, at E. Arsenio Manuel ay ilan sa mga nakagawa ng mga batayan kung paano pag-uri-uriin ang mga pokloriko sa Pilipinas, ngunit magiging mas mainam ang mga ito kung ang pag-uuri ay gawing pangkalahatan tulad ng ginawa ng manunulat ng Philippine Folklore Classified. Nagawa man niyang pag-uri-uriin ang mga Poklorikong Pilipino, nangangailangan pa rin ito ng iba pang detalye tulad ng pagkakaroon ng mga “subtypes”. Sa ganitong paraan din natin mauunawan kung bakit may mga klase ng pokloriko na nasa iisang pag-uuri at ang iba naman ay magkahiwa-hiwalay tulad na lamang nang matutuklasan kapag inihambing natin ang mga nagawa nina Eugenio, Francisco, at Manuel. Bukod ditto, mas mainam kung mayroon tayong isang tiyak na sistema kung saan sang-ayon ang lahat.
Paano makatutulong ang pagakakaroon ng paraan ng pag-klasipika ng Poklorikong Pilipino upang maabot ang pagsusuri? Ang unang makikinabang kapag nagkaroon na ng tiyak na sistemang pag-uuri ay ang mga taong pinag-aaralan ang pokloriko hindi lamang sa bansa kung hindi ang mga nasa ibang bansa rin. Kapag nangyari ito, mas marami nang pagsusuri tungkol sa pokloriko ng Pilipinas. Dahil ang siyentipikong pananaliksik ay isang proseso, mas magiging mainam at maaari ring madali ang pagsusuri kapag nagkaroon na ng tiyak na paraan ng pag-uuri.
Bukod sa makatutulong ito sa pag-aaral ng pokloriko, ito rin ay makakadagdag sa kaalaman tungkol sa mga tao at kultura ng bansa. Sa pamamaraang ito rin ay makalalahok ang Pilipinas at ang mga Pilipinong pinag-aaralan ang pokloriko sa isang “intellectual exchange” sa pagitan ng Asya at sa iba pang bahagi ng mundo tulad ng nakasaad sa layunin ng Asian Ethnology na isang pahayagan (journal) na sumusulong para sa paglalaganap ng karunungan sa pananaliksik ng mga tao at kultura sa naturang lugar.
Ang pagkakaroon ng tiyak na sistema ng pag-uuri ay makatutulong sa atin bilang mga Pilipino sapagkat lubos natin makikilala ang ating sarili. Kapag walang pag-uuri, mawawalan ng saysay ang pagsusuri, ngunit halimbawang mayroon na tayong tiyak na sistema ng pag-klasipika, ano ang maaari nitong maitulong sa mga Pilipino? Ang mga kaugaliang sosyal na madalas ay hindi gaanong maintindihan ng kasalukuyang henerasyon ay mabibigyang kahulugan at mapapahalagahan pa ang mga ito ng lubos dahil sa pananaliksik. Dahil mapapahalagahan ito, mapapangalagaan at mapapalaganap pa ang kulturang Pilipino. Kung mapapansin ang mga kaugalian ng mga kabataan ngayon, batid ng marami na malaki ang impluwensya ng mga banyaga sa kanila. Hindi lamang sa kanilang kaugalian kung hindi pati na rin sa kanilang sining na ginagawa at tinatangkilik at maging sa mga sinasalita. Iyon ay dahilan kung bakit kailangan natin magkaroon ng tiyak na sistema ng pag-uuri. Ito ay para sa mainam na pagsusuri at pananaliksik. Sa paraang ito, mas magiging makahulugan ang mga natuklasan at matutuklasan hindi lamang sa mga mag-aaral ng Poklorikong Pilipino kung hindi pati na rin sa mga Pilipino. Tama lang naman na malalim ang pagkakaintindi ng mga Pilipino sa sarili nilang pokloriko dahil sumasalamin din ito sa kanilang kultura at pagkatao.
Sa huli, ang pinakamatinding tanong ay paano? Paano maaabot ang ganitong resulta? Simple lamang, sumangguni sa komonidad ng mga mag-aaral ng pokloriko. Sa pamamaraang ito, mas maliliwanagan tayo sa pag-aaral nito at makatutulong pa ito sa pagpapalaganap ng pokloriko at kultura natin sa iba pang bahagi ng mundo. Ang kailangan ay aktibong lumahok ang mga Pilipino.
P.S. I owe so much of my Tagalog to Bob Ong. Long live the king. He is Jose Rizal! LOL
